Wednesday, January 11, 2006

Tawag ka ni Aling Suming!

Ito ang pamagat ng reunion ng mga CMC alumni na gaganapin sa darating na Sabado. Nagulat nga ako nang marinig ko ang radio ad kanina. Alumni Homecoming? Tumatanda na talaga ako.

E, sino ba si Aling Suming? Siya ang records officer (di ko maalala ang opisyal na titulo niya) ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Ewan kung kelan siya nagsimula sa trabahong iyon pero natitiyak kong may katagalan na. Ibang level kasi ang paggalang at pagmamahal na ipinapakita ng mga MassComm pipol sa kanya.

Sa tanang buhay ko sa Kolehiyo, minsan lang ako nagkaroon ng close encounters with Aling Suming. Ikalawang buwan ko pa lang noon sa Unibersidad, natatakot pero nananabik sa maraming bagay. Hindi ko alam kung sadyang ang kumbinasyon ng takot at pananabik ay katangahan pero sa kaso ko, ganon ang nangyari. Opening noon ng UAAP Season 6_. Siyempre required. Mag-isa akong nagtungo sa Araneta Coliseum dahil iniwan ako ng mga walanghiya kong kaibigan (hehe, peace!). Nang akmang dudukutin ko na ang aking wallet, hindi ko ito matagpuan. Andon lahat: ang ID (awa ng Diyos e yung cartolinang green na temporary pa lang), Form 5, ATM card, Laking National Card, Suki Card, pera, at yung ticket sa event. At ang pinakamasaklap, andon din yung picture ng high school crush ko (hikbi!). Buti na lang, may bente pa ako sa bulsa, nakauwi pa rin ako nang maluwalhati.
Pagdating sa dormitoryo, lost na lost ako. Mawala ba naman ang lahat ng katibayan ng aking pagkatao? Que horror! Matapos ang mahaba-habang iyakan, nagpasya akong ayusin ang lahat (wala akong choice). May anghel na nagbulong sa akin, lumapit daw ako sa admin ng kolehiyo para gawin yon.
--Ma'am, nawala po ang Form 5 at ID ko. Ano pong gagawin ko?
--Doon ka kay Aling Suming.
Taray, di man lang tumingin sakin. Parusa ba yon sa katangahan?
--Good morning po. Ma'am, saan po ako makakakuha ng copy ng Form 5?
--Bakit, anong nangyari? Tanong ng matanda na kalaunan ay napag-alaman kong si Aling Suming pala.
Siyempre, inilahad ko ang blow-by-blow account. Nalaman niya na first year ako (at promdi pa) at binigyan niya ako ng payo: Naku, sadyang marami ang masasamang-loob dito sa Maynila. Sa hirap kasi ng buhay... Kaya sa susunod, mag-iingat ka. Ano nga yung student number mo?
--2001-5**3* po.
--Ipa-photocopy mo to tapos ibalik mo dito pagkatapos ha? Hindi ka gagraduate pag di mo binalik. Diyan ka na lang sa library para malapit, aniya sabay abot sakin ng Dean's Copy ng Form 5.
Pagbalik ko, sinabi niya kung ano-ano ang mga dapat kong gawin para makakuha ng bagong ID at muli akong pinayuhang mag-ingat sa magulong mundo ng Maynila. May pahabol pa, mag-aral daw ako nang mabuti.
Pagkatapos non, hindi ko na siya masyadong napagkikita. Mabait kasi akong estudyante kaya hindi ako naipapadala sa admin office (harhar!). So far, nasunod ko naman ang mga payo niya, maliban sa huli.
Ngayong tumatawag siya, pagkakataon ko naman ang makinig. Sana magkita kami ulit. Hindi ko kasi naikuwento noon yung tungkol sa picture ng high school crush ko.

No comments:

Post a Comment

Something to say?