Sunday, March 12, 2006

Comfort Room

Hindi ako iyakin. Noong bata pa ako, hindi ako umiiyak kahit pagtulungan pa ako ng mga bully kong kaklase. Nakakahiya kasi. Paniwala ko, isang kahinaan ang pag-iyak. Para bang hindi ko kayang alagaan ang sarili ko. Isa pa, wala namang mabuting idudulot iyon. Mamumula lang ang mga mata ko.Uusisain lang ako ng mga makakakita.
Natuto akong magpanggap. Pili ang emosyong hinayaan kong makita -- tuwa at galit lang, kung may iba man, iyon ay tuwang-tuwa, galit na galit, medyo natutuwa, at medyo galit. Kapag medyo na-touch ako sa pinanood sa TV o pelikula, palihim din ang pagluha ko. Minsan kasi, tinawanan ako ng mga pinsan ko. Sabi ko tuloy, "Marumi lang ang mata ko, kailangang linisin." Ewan. Hindi naman ako lalake.
Iilan pa lamang ang taong nakakita sa pag-iyak ko. Maliban sa mga kapamilya, dalawa lang siguro. Nitong mga nakaraang araw, napapadalas ang pag-iyak ko. Hindi ko alam kung bakit. Naging masyado na yata akong emosyonal. Pero siyempre, patago pa rin.
Kanina, paglabas ko sa banyo nasita ako. "Bakit mapula ang mata mo?" Sagot ko na lang, "Mahapdi sa mata yung shampoo e."

2 comments:

  1. pareho pala tayo :) kapag naiiyak na e dumidiretso sa banyo.

    alam mo kung anong naging epekto sa akin ng pagpipigil sa pag-iyak? once or twice a month e naiiyak ako for no reason. di lang basta iyak, mind you. hagulgol.

    but it makes me feel better, really. so i allow myself to cry once or twice a month.

    but i still make sure nobody's watching.

    di ko na uusisain kung ano o sinong nagpaiyak sa 'yo, dahil kung magkapareho nga tayo, alam kong ayaw mong pag-usapan yun.

    iiyak mo lang yan, cess the best. marami pang shampoo sa mundo =)

    ReplyDelete

Something to say?