Thursday, December 11, 2008

Why did you take up Law?

18 months ko nang iniisip ang sagot sa tanong na ito. Tanong na sa tuwing unang araw ng klase ay ipinupukol ng mga propesor sa mga estudyante. Iba-iba na ang naging sagot ko. Nandiyang sabihing childhood dream ko ito, gusto kong makatulong sa mga naapi, at enjoy lang talaga akong mag-aral (SFX: THUNDER). Pero sa loob-loob ko, wala talaga akong maapuhap na sagot. Ngayong semestre, ang tanging propesor na nagtanong ay sinagot ko ng matuwid na “I’m not really sure. I guess I’m looking for my purpose, which is a fancy way of saying that I was bored and confused when I applied.” Wala e, yun talaga. Tinamad na akong mag-isip ng magandang dahilan. Nabagot ako sa buhay-opisina (na kung tutuusin ay hindi naman talaga nakakabagot kasi showbiz). Buti na lang hindi ako pinalabas ng classroom.

Sabi ng mga kaibigan ko, “Ituloy mo lang, sayang naman.” Oo nga. Maraming kumatok sa pintuan ng Malcolm pero ilan lang ang pinagbuksan. Balita ko, sa 6,000 na nag-exam, 300 ang pumasa at nag-qualify sa interview. 200++ dito ang tuluyang natanggap. Tsamba lang, sabi ko. Destiny, sabi ng iba. Ano bang destiny? Ang destiny ay iyong tipong kahit matulog ka ng 12 hours araw-araw at hindi magbasa, makakasagot ka pa rin sa recitations/quizzes/exams. Excuse ng mga tamad para di magsikap, palusot ng masisipag para di magmukhang nerd.

Ang totoo, hindi ko talaga pinangarap maging abogado. Lahat na yata inambisyon ko noong bata ako -– doktor, nurse, teacher, bumbero (hindi boldstar ha), pulis, presidente at astronaut. Dalawa lang yata ang hindi nasama sa listahan –- maging abogado at maging beauty queen. “Sa dami naman ng course na puwedeng kunin, bakit Law pa?” Hirit yan ng boss ko isang araw na mukha akong haggard (mas haggard than usual). Napaisip tuloy ako. Ang totoo’y gusto kong mag-MA sa History, kaya lang tapos na ang application period nung naisipan kong mag-aral. Hindi ko na kayang maghintay ng isa pang taon. E sakto, ongoing ang application for LAE. Puwede na, astig pang pakinggan. Ganon din ako nung undergrad. Journalism kasi may ism sa dulo. Kaysa naman History di ba?

Ngayon, makalipas ang 18 months, hindi ko pa rin alam ang sagot. Wala talagang katiyakan ang future, pero hindi naman ibig sabihin ay patuloy tayong mangangapa sa dilim. Kahit hindi ko masagot ang tanong na ito, sapat na sigurong sagot ang araw-araw na pagpupuyat (weh?!) at paglipad mula sa opisina papuntang school, pagpapadugo ng utak at ang pagtatapang-tapangan sa harap ng mga kaklase’t propesor. =)



Wednesday, December 03, 2008

Birthday dinner for Agnes




Moment ito ni Agnes, dahil nth birthday nya na.

Extra lang ang bluebook ko, but I just have to make yabang. Baka di na maulit e, hehe, knock on wood! =)

Para Kay B (O kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin)


Rating:★★★★★
Category:Books
Genre: Literature & Fiction
Author:Ricky Lee
“Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, iisa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman.”


Iyan ang teorya sa likod ng unang nobela ng batikang scriptwriter na si Ricky Lee. Matapos ang ilang taon ng pananahimik, heto si G. Lee at nagbibigay ng isang nakaka-engganyo at nakakaaliw na istorya tungkol sa topic na gusto nating lahat – Love (ok, assumption ko lang yun, hehe).

Sa mga pamilyar sa likha niya, ang "Para Kay B (O kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin)" ay maituturing na bago o kakaiba kumpara sa kanyang kadalasang sinusulat. Siya ang scripwriter sa likod ng mga premyadong pelikulang "Himala," "Anak," at "Moral," at ang awtor ng "Trip to Quiapo," isang scriptwriting manual. Creative consultant din sya para sa ilang drama programs ng ABS-CBN. Kabilang sa mga sinulat niya ay ang short stories na "Servando Magdamag" at "Kabilang sa mga Nawawala" na required reading namin noon sa Humanidades I. Ang una’y di ko masyado naintindihan pero pinasalamatan ko pa rin ang aming prof dahil inassign nya sa amin ang wirdong istoryang iyon. (Gagawin daw movie ni Lav Diaz ang Servando. Gudlak na lang).

Bagamat ang Para kay B ay isang nobela, hindi rin ito nalalayo sa mga likhang pampelikula at telebisyon ni Ricky Lee. Ang mga tauhan ay buhay na buhay, ang mga location, itsura at emosyon ng mga karakter ay malinaw na nailarawan. Para ka na ring nanood ng pelikula habang binabasa ito. Ang storytelling technique ay hindi conventional. Parang pinaghalo ang script at nobela. Gamit ang pang-araw-araw na Filipino language, madaling naiparating ni G. Lee sa mga mambabasa, matanda o bata, mapa-jologs man o sosyal, ang gusto niyang sabihin. Mayroon ding hint ng magic realism, na sa konteksto ng kuwento ay masasabing hindi naman talaga style o genre dahil sa pag-ibig, nagiging magical talaga ang realidad. O dahil reality is relative? Whatever.

Iba’t ibang mukha ng pag-ibig ang ipinakita ni Lee sa pamamagitan ng kanyang limang kuwento – bawal na pag-ibig, hangal na pag-ibig, komersyalisadong pag-ibig, pag-ibig na di malimot, pag-ibig na di malaman kung pag-ibig nga talaga. Sa gitna ng lahat ng ito, ang hamon sa mga mambabasa ay kung maniniwala tayo sa Teorya ng Pag-ibig o kung tayo’y gagawa ng sariling teorya kung saan kasama tayo sa quota.