Thursday, December 11, 2008

Why did you take up Law?

18 months ko nang iniisip ang sagot sa tanong na ito. Tanong na sa tuwing unang araw ng klase ay ipinupukol ng mga propesor sa mga estudyante. Iba-iba na ang naging sagot ko. Nandiyang sabihing childhood dream ko ito, gusto kong makatulong sa mga naapi, at enjoy lang talaga akong mag-aral (SFX: THUNDER). Pero sa loob-loob ko, wala talaga akong maapuhap na sagot. Ngayong semestre, ang tanging propesor na nagtanong ay sinagot ko ng matuwid na “I’m not really sure. I guess I’m looking for my purpose, which is a fancy way of saying that I was bored and confused when I applied.” Wala e, yun talaga. Tinamad na akong mag-isip ng magandang dahilan. Nabagot ako sa buhay-opisina (na kung tutuusin ay hindi naman talaga nakakabagot kasi showbiz). Buti na lang hindi ako pinalabas ng classroom.

Sabi ng mga kaibigan ko, “Ituloy mo lang, sayang naman.” Oo nga. Maraming kumatok sa pintuan ng Malcolm pero ilan lang ang pinagbuksan. Balita ko, sa 6,000 na nag-exam, 300 ang pumasa at nag-qualify sa interview. 200++ dito ang tuluyang natanggap. Tsamba lang, sabi ko. Destiny, sabi ng iba. Ano bang destiny? Ang destiny ay iyong tipong kahit matulog ka ng 12 hours araw-araw at hindi magbasa, makakasagot ka pa rin sa recitations/quizzes/exams. Excuse ng mga tamad para di magsikap, palusot ng masisipag para di magmukhang nerd.

Ang totoo, hindi ko talaga pinangarap maging abogado. Lahat na yata inambisyon ko noong bata ako -– doktor, nurse, teacher, bumbero (hindi boldstar ha), pulis, presidente at astronaut. Dalawa lang yata ang hindi nasama sa listahan –- maging abogado at maging beauty queen. “Sa dami naman ng course na puwedeng kunin, bakit Law pa?” Hirit yan ng boss ko isang araw na mukha akong haggard (mas haggard than usual). Napaisip tuloy ako. Ang totoo’y gusto kong mag-MA sa History, kaya lang tapos na ang application period nung naisipan kong mag-aral. Hindi ko na kayang maghintay ng isa pang taon. E sakto, ongoing ang application for LAE. Puwede na, astig pang pakinggan. Ganon din ako nung undergrad. Journalism kasi may ism sa dulo. Kaysa naman History di ba?

Ngayon, makalipas ang 18 months, hindi ko pa rin alam ang sagot. Wala talagang katiyakan ang future, pero hindi naman ibig sabihin ay patuloy tayong mangangapa sa dilim. Kahit hindi ko masagot ang tanong na ito, sapat na sigurong sagot ang araw-araw na pagpupuyat (weh?!) at paglipad mula sa opisina papuntang school, pagpapadugo ng utak at ang pagtatapang-tapangan sa harap ng mga kaklase’t propesor. =)



3 comments:

  1. Don’t search for answers, which could not be given to you now, because you would not be able to live them. And the point is, to live everything. Live the questions now. Perhaps then, someday far in the future, you will gradually, without even noticing it, live your way into the answer.

    – Ranier Maria Rilke, Letters to A Young Poet

    pwede ko bang iquote yan sa susunod na round ng tanong kung bakit ako nag-law? hahaha. langyang tanong yan. grrrrr.

    (mare parang gusto mo padin mag history hanggang ngayon ah...)

    ReplyDelete
  2. Gusto mo bang maging female version ni Bob Ong? Parang may future ka bilang maangas na writer. hehe... Ang saya basahin ng mga entries mo.

    ReplyDelete
  3. hindi naman, maangas na tao lang ako. hehe. =)

    ReplyDelete

Something to say?