Saturday, March 16, 2013

U.P. Naming Mahal

Tangina. 

Yun ang tangi kong nasambit matapos kong basahin ang balita tungkol sa isang first year student ng UP Manila na nagpakamatay dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng tuition fee. Tangina talaga.

Ayaw ko na sanang makisali pa, pero tanginaaaaa. Magkahalong galit at lungkot pa rin ang nadarama ko, naluluha pa rin habang tumitipa sa keyboard. Bakit ganon? Bakit naman kung sino pa ang gustong mag-aral siya pa ang nahihirapan samantalang andaming mga lecheng anak ng mga Poncio Pilato ng lipunan ang nagpapakasasa sa drugs, sa party, sa pagliliwaliw? Hindi ba maaring pantay-pantay na lang?

May mga kumwestiyon sa kanyang desisyong kitilin ang sariling buhay -- kesyo hindi raw sapat na dahilan ang kahirapan para magpatiwakal, o kaya ay nagawa niya raw ito hindi dahil sa kahirapan kundi dahil sa estado ng kanyang pag-iisip. Tila naging moral o pilosopikal na nga ang mga nagsusulputang diskusyon ukol sa isyu.

Marahil ay hindi lang nauunawaan ng iba kung gaano kahirap ang maging mahirap. Noong undergrad, naranasan ko rin ang pumasok sa klase nang kumakalam ang sikmura, kapag naubos na ang allowance sa pamasahe para mangalap ng balita, sa blank tape at baterya ng tape recorder, sa computer rental, sa printing. Nasanay ako sa dormer's diet -- Skyflakes, Lucky Me pancit canton at kape (di ba Ate Upski?). Parang may lamay lang araw-araw. Minsan, napasumpa rin ako tulad ni Scarlett O'Hara, "I'm going to live through this and when it's all over, I'll never be hungry again." Hindi naman ako puro reklamo lang at paghihintay sa buwanang padala ng mga magulang. Kahit papaano, nagtrabaho rin ako bilang student assistant para may pangtustos sa mga luho tulad ng cassette tapes, libro at film festivals. Madalas delayed ang suweldo, gobyerno kasi.

Ngunit hindi rin biro pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Una, kailangan ng True Copy of Grades pag nag-aapply ka sa iba't ibang opisina ng Pamantasan. E paano na lang kung dahil nga sa kahirapan e nasasakripisyo na ang pag-aaral mo? Dilemma. Pasalamat na lang ako at chill lang sa Journ.

Taong 2007. Nagdesisyon akong bumalik sa pag-aaral. Binalak kong iwan ang trabaho kasi hindi naman "chill lang" ang Law. Kaya lang, nagkaroon ng 300% tuition fee increase. Nalintikan na. Hindi ko naman kayang pahirapan ulit ang mga magulang ko. Hayun, mula sa Block C, nagpalipat ako sa Block E. Pila-pila lang sa Student Loan Board sa Vinzons Hall, kasama ng iba pang blockmates na wala pang sapat na suweldo tuwing enrollment.

Kaya siguro ako naapektuhan ng malungkot na pangyayaring ito dahil nagi-guilty ako. Angtagal ko na sa UP. Ang five-year evening program mukhang gagawin ko pang seven years. Habang tumatagal, inaagawan ko ng pagkakataon ang ibang Isko at Iska na nangangailangan ng tulong.

Kung bakit naman kasi napakamahal ng matrikula. Mapapamura ka talaga. Tangina.







No comments:

Post a Comment

Something to say?